Kokote O Garrote?
Kokote O Garrote?
Writer: Mono
“Bigyang pugay ang gobyerno, sapagkat sila ang nagbibigay pondo sa ating mahirap na bayan!”, ito ang hinahin ng mga matatanda laban sa kilusan, ngunit sa kanyang isipan, nais niyang ipamalas ang natuklasan sa makapal at maalikabok na librong kanyang nabasa, mga bayaning natiwakal dahil sa paggamit ng kanilang panulat kung saan kanilang isinalik ang kaalaman mula sa gusali ng kanilang natuklasan, kanilang inihayag ang mga inosente at walang laban sa madungis na kamay ng pamahalaan na dapat siyang pumoprotekta sa bayan. Ang mga pahayag na nais maipamalas ngunit ang labi ay nasisilihan ng mga nakaupong walang kilos at bagkos mangmang sa lipunan. Ito ang kwento ni Egorio Cornelio B. Cruz, o mas kilala sa palayaw na “Eboy”.
Si Eboy ay lumaking hindi pribilehiyo, ngunit laging may sapat na pagkain sa hapag at may kakayahan upang mag-aral, nakatira sa kubo na munti man ngunit matayog, pwede na para tirhan ng kanyang ama at ina. Isa siyang iskolar ng bayan mula sa pampublikong paaralan na may layuning turuan ang mga susunod na henerasyon ng wikang tagalog sa kanilang bayan. Lumaki si Eboy na mayaman at sagana sa turo ng kanyang ina at ama, masunurin sa kanyang magulang at palaging nakikinig ng radyo sa kanilang sala hanggang sa hapag kainan. “Isang kabataan, patay nang dahil sa pagaaklas ‘di umano sa pamahalaan, ito ang hinahin ng kanyang magulang——“ biglang ipinatay ng kanyang ina ang radyo na kanilang pinapakinggan sa hapag kainan, “Oh? bakit mo pinatay? eh kita mong nakikinig pa ako ng radyo oh?” inis na sabi ng kanyang ama, “Eh wala namang magandang idudulot yang balita na yan eh, atsaka isa pa baka marinig tayo sa labas ng mga gwardya o militar na yan, oh eh alam mo na? baka tayo ang matiwakal ng mga yan eh” pag-aalala ng ina ni Eboy habang isinasara ang mga kurtina, nababahala na baka may makarinig. Habang ang mga magulang niya ay patuloy na nagbabangayan dahil sa radyo, napaisip na lamang si Eboy na “bakit may kailangan itiwakal nang dahil lang sa simpleng hindi pag pabor sa administrasyon o sistema ng pamahalaan? kung ang hinihingi lamang ay serbisyo at hustisya para sa kanila? gaano ba kahirap gawin ang isang bagay na yon?” ang sabi niya sa kanyang likod ng isipan, habang ito’y nakatulala at nakatingin sa maliit na radyo. Pero kahit ganun pa man ang mga pumapasok na mga tanong sa kanyang kokote, susundin pa rin niya ang turo ng kanyang magulang na huwag makialam sa ginagawa ng pamahalaan. Bagkos, manahimik lang, dahil ang kabayaran nito ay isang madugo at madungis na kapalaran. Kung kaya naman isinulat na lamang niya ang kanyang layunin sa kanyang kwaderno.
Isang linggong makalipas, ang kanyang guro sa historya at agham na si Father Pado ay nagtatalakay pa-tungkol sa pangyayari sa pagtuos ng mga karatig bansa laban sa mga puti. “Ang mga karatig nating bansa sa asya ay dinumog ng mga puti nang dahil saan? at bakit? ito ay dahil sa mga yaman na meron sila, at meron ding motibo sa mga ekonomiya at politikal na aspeto sa mahinang pamumuno——“, “kagaya ng bansa natin” pag putol sa pagtatalakay ni Father Pado ng isang mag-aaral sa klase at lahat ay tumingin mula sa direksyon ng nagsalita. “Bakit? eh totoo naman diba? mahina naman talaga ang pamumuno dito sa bansa natin, kaya nga tayo sinasakop eh” kanyang pag dugtong sa kanyang sinabi. Naglakad naman si Father Pado sa kanyang direksyon at biglang sabi “Bata, mag-ingat ka sa sinasabi mo, gusto mo ba masilihan nila ang bibig mo?” ang bulong ng pari sa binatilyo. Bigla na lamang ito tumakbo palabas habang nakangiwi naman ang kanilang guro.
Pagkatapos ng klase, agad na umuwi si Eboy ng bahay upang makinig sa mga bagong balita sa radyo, nang dahil sa kanyang mga naririnig, siya ay na intriga at nagkaroon ng layuning malaman ang mga patayang nagaganap nitong mga nakaraang araw sa kanilang baryo, kung kaya naman isinara niya ang pinto ng kanyang maliit na silid upang pakinggan ang mga nagu-ulat ng balita. “Isang mag aaral, nakulong nang dahil sa pagsali ng kilusan laban sa gobyerno” sa simpleng balita, ang perspektibo ni Eboy sa gobyerno ay biglang nagbago, sa mga tanong na nais niyang mabigyang sagot, bigla siyang napaisip na gusto niyang makilahok sa mga kilusan at gumawa ng mga kawanggawa para sa mga taong pinapahirapan ng kapwa nilang Pilipino. Kinaumagahan, papasok pa lang si Eboy ay tinawag siya ng kanyang ama, “Eboy? lumapit ka nga muna dito” sabi ng kanyang ama na ang boses ay parang may pangangamba. “Bakit po? Tatay?” ang sagot naman ni Eboy, “Huwag mo na ituloy nak, mapapahamak ka lang”, sabi ng kanyang ama habang nagsusuot ng bota para magsaka. “P-po? ‘di ko po maintindihan yung gusto niyo pong ipahayag” ang sabi ni Eboy na may kaba at kabig sa puso. “Nabasa ko ang kwadernong naiwan mo sa iyong silid, kaya huwag na ‘nak” sabi ng kanyang ama habang sinusuot ang kanyang salakot at umalis na lang bigla, naiwan siya na may kunot sa kanyang noo dahil sa sinabi ng kanyang ama.
Bago magsimula ang klase, si Eboy ay tumungo sa aklatan upang hanapin ang mga libro na tiyak siyang sasagot sa mga tanong na bumabagabag sa kanyang isipan. Habang naghahanap, may nakita siyang isang makapal na libro mula sa pinakamataas na gusali ng silid aklatan, kinuha niya ito at nilinis ang mga agiw at alikabok gamit ang kanyang kamay, hindi niya alam na ang kanyang librong hinahawakan ang sasagot sa kanyang mga tanong na nakalimbag sa kanyang kwaderno. Inuwi ni Eboy ang nasabing libro sa kanilang bahay na walang paalam sa aklatan, ito ay kanyang ibinuklat sa bawat pahina nito.
At dito, natuklasan ni Eboy ang mga karumal dumal na pangyayari mula sa sistema ng bansa hanggang sa paghihirap ng mga tao. Kaya siya ay namulat sa katotohanang itinatago sa kanya at sa karamihan. Habang siya’y nagbabasa, ‘di nya napansin na ang kanyang magulang ay umuwi na galing sa trabaho. “‘Nak? ano yang binabasa mo? bakit ang kapal naman ng libro? patingin nga” ang sabi ng kanyang ina, biglang itinago ni Eboy ang kanyang libro at biglang sabi “Wala ‘to inay, a-ano, takdang-aralin lang!”, ngunit huli na ang lahat, kinuha na ng kanyang ina ang libro at nabasa ang pahina na kanyang binabasa. “Nak? ano ‘to? nagre-rebelde ka na ba? kasali ka sa kilusan? alam mo bang pwede kang mapahamak!? ha!? Suwail kang bata ka!” galit na sabi ng kanyang ina, “Nak, sabi ko naman sayo ‘di ba? na wag mo na ituloy?” giit ng kanyang ama. “Alam mo ginagawa ng anak natin? Bakit hindi mo sinabi?” ang sabi ng ina. Habang sila ay nagbabangayan ay umalis na lamang ng bahay si Eboy, tumakbo takbo sa gabing malagim at gustong magpahangin. Nang siya ay tumigil sa pagtakbo, siya ay may nakasalubong na miyembro ng militar, ang tanging nasa likod ng kanyang isipan ay ang mga sandaling iyon ang pwedeng maging rason sa kanyang pagkakulong. “Hoy bata, gabi na ha? alam mo bang bawal lumabas ang mga kabataan kasing edad mo ng ganitong oras? Kasali ka ba sa kilusan?” nanginginig at hindi makasagot si Eboy, “Halika, sumama ka sa’min, tuturuan namin ang mga kabataang katulad niyong masyadong maraming alam”, agad na ginapos ng mga militar si Eboy, walang laban, hindi maka sigaw, siya ay isang inosenteng mag-aaral na may layuning magkaroon ng kaalaman sa panlipunan.
“Ano? Kokote o garrote?”, sabi ng lalaking may armas, may baril at bala sa katad na bulsa. “Pumili ka na, gusto mo pa bang bumalik sa magulang mo? O hahayaan ka naming lumamig ang katawan mo sa presintong ‘to?”, hindi makasagot ang binatilyo sa militar, ang huling narinig na lamang ng binatilyo sa gabing iyon ay ang tunog ng baril at puso niyang tumitindig pa rin sa kabila ng balang nakadiin sa kanyang kaliwang dibdib.
Comments
Post a Comment