Kailan Ko Kaya Muli Matitikman Ang Luto Ni Mama?
๐๐๐ข๐ฅ๐๐ง ๐๐จ ๐๐๐ฒ๐ ๐๐ฎ๐ฅ๐ข ๐๐๐ญ๐ข๐ญ๐ข๐ค๐ฆ๐๐ง ๐๐ง๐ ๐๐ฎ๐ญ๐จ ๐๐ข ๐๐๐ฆ๐?
Noong bata pa lamang ako, ang tanging sigaw at tanong ko pag-uwi sa aming tahanan galing sa eskwelahan ay, “Asan si Mama?” At ang laging tugon ng ate ko ay ang daliring nakaturo patungo sa aming munting kusina. Doon, ipinagluluto niya kami ng pancit canton—yung mga nasa paketeng nabibili sa tindahan. Sinasamahan niya pa ito ng nilagang itlog, para raw mas ganahan kami; Simpleng luto, ngunit may puso. Mula sa init ng kawali, may nagbabagang pagmamahal.
Gaya ng mga gasolinang gamit na gamit, ang kanyang hilig sa pagluluto ay nauupos na rin. ‘Di ko na lubos matandaan kung kailan ko huling natikman ang luto ng aking ina, o masilayan man lang siya habang hawak-hawak ang sipit na pangkuha ng pancit. Ni hindi ko na rin malanghap ang simoy ng kanyang luto sa hapag-kainan tuwing alas tres ng hapon habang nanonood ng tibi. Kaya naman, hindi ko maiwasang itanong sa aking sarili, “Kailan ko kaya muli matitikman ang luto ni mama?”.
Bagama't totoo na malaki na ako at kaya ko nang ipaghain ang sarili kong pagkain, hindi ko maiwasang mangulila sa yakap ng aking ina—dahil ang tanging paraan niya ng pagpapahayag ng pagmamahal ay ang pagbubukas ng kalan sa kusina. Mahirap, bilang isang bunso ng pamilya, na maging balat-sibuyas sa mabababaw na dahilan—pero alam ko, sa kabila ng lahat ng aking iniisip, may mas malalim pang rason kung bakit hindi ko na nakikitang bukas ang ilaw ng aming kusina. Dahil gaya ng ilaw, ang aking ina ay napupundi na rin—nagbubuntong-hiningang makapunta sa hapag, makakuha lamang ng tinidor at kutsara. Kaya ngayong Araw ng mga Ina, ang tanging hiling ko lang ay muling sumindi ang ilaw ng aming tahanan—ang tahanang tiyak na tatahan sa bugso ng damdaming aking nararamdaman.
๐๐ฌ๐ข๐ง๐ฎ๐ฅ๐๐ญ ๐๐ข: Vince Lucien M. Balbaguio
๐๐ข๐๐ฎ๐ก๐จ ๐ง๐ข: Glazel Jade Luna
(Posted under: The Gateway Group of Publications)

Comments
Post a Comment