Parisukat
πππππππππ
Muling niyayakap ni Nino ang likod ko,
Ang kanyang mga haplos ay ramdam mula kalamnan hanggang buto.
Tanging sa parisukat ko lamang siya nakikita,
Ngunit mula sinag ng araw hanggang dilim ay pasan ko siya.
Ang sabi nila, ang mukha ko ay ‘di maipinta.
Kunot ang noo, buhok ay magulo, at ayaw ng bumangon sa kama.
Datapwat andyan lang si Nino, kasama ko.
Pakiramdam ko’y dahan-dahan na ‘kong nilalamon nito.
'Di ko lubos namalayan, unti-unti na pala itong bumibigat;
Gaya ng ulap tuwing may paparating na bagyo,
Pagpigil sa buhos ng luha sa mga mata ko,
At ang mga bulaklak na bumabaliko sa panahon ng pagkakatuyo.
Oo, laging nariyan si Nino,
ang nagbabalat-kayong anino.
Parang multo na nasa sulok ng bawat kwarto.
Sa pagtulog, siya ang kayakap ko.
Maikling Tula ni: Mono
Dibuho ni: Jhanese Sotto
(Published under: The Gateway Group of Publications)

Comments
Post a Comment